MGA ARAL NA NAUUKOL SA PANGGAGAMOT
Ecclesiastico 38:1-7,9-34
[1]Igalang mo ang manggagamot nang marapat sa kanyang katungkulan, sapagkat ang Panginoon din ang nagtakda ng tungkuling iyan.
[2]Ang karunungan ng manggagamot ay mula sa Kataas-taasang Diyos, at ginagantimpalaan siya pati ng mga hari.
[3]Dahil sa kanyang karunungan marangal siyang nakakaharap kaninuman, at iginagalang siya pati ng mga maykapangyarihan.
[4]Ang Panginoon ang nagpatubo ng mga halamang naigagamot, kaya't ang mga ito'y di kinaliligtaang gamitin ng matalinong tao.
[5]Hindi ba't minsan ang tubig na mapait ay naging tubig na inumin sa pamamagitan ng isang pirasong kahoy upang makilala ang kapangyarihan ng Panginoon.
[6]May mga taong pinagkalooban ng tanging karunungan, upang magamit nila ang mga kahanga-hangang bagay na nilikha ng Diyos. Sa gayo'y papupurihan siya ng lahat ng tao.
[7](7-8) Sa mga bagay na iyan kinukuha ng parmaseutiko ang mga gamot, na ginagamit ng manggagamot sa pagpapagaling ng sakit at pagpapanauli ng kalusugan. Anupa't hindi natitigil ang paggawa ng Panginoon, na siyang nangangalaga sa kalusugan ng tao sa buong daigdig.
[9]Anak, kapag nagkasakit ka, huwag mo itong ikabalisa, dumalangin ka sa Panginoon at pagagalingin ka niya.
[10]Pagsisihan mo ang iyong mga kamalian at magbagong-buhay ka; linisin mo ang iyong puso sa lahat ng bahid ng kasalanan.
[11]Mag-alay ka ng insenso at ng handog na pagkain, at buhusan mo ng langis ang iyong handog sa abot ng iyong makakaya.
[12]Pagkatapos, magpatawag ka ng manggagamot—ang Panginoon din ang maylikha sa tungkuling iyan— at huwag mo siyang paaalisin, pagkat kailangan mo siya.
[13]May mga pagkakataong sa kamay niya masasalalay ang buhay mo.
[14]Dadalangin din siya sa Panginoon na siya'y patnubayan upang mapawi ang sakit, mapagaling ang iyong karamdaman at mailigtas ang iyong buhay.
[15]Magkakasala laban sa Panginoon ang isang tao, kung hindi siya susunod sa kanyang manggagamot.
[16]Tangisan mo ang isang tao kapag siya'y namatay, umiyak ka nang malakas at ipakita mo ang iyong pamimighati. Bihisan mo siya ayon sa kanyang kalagayan, at dumalo ka sa kanyang libing.
[17]Ipagluksa mo nang marapat ang kanyang pagpanaw sa pamamagitan ng pagluha at panaghoy. Gawin mo ito sa loob ng isa o dalawang araw, nang walang masabi ang sinuman. Pagkatapos, aliwin mo na ang iyong sarili.
[18]Sapagkat ang panlulumo ay nakapagpapahina ng katawan, at ang labis na pagdadalamhati ay maaaring ikamatay.
[19]Pagdadalamhati ang laging kasunod ng pagpanaw ng isang mahal sa buhay, ngunit hindi tamang itulak ka niyon sa karukhaan.
[20]Kaya, huwag kang padadala sa labis na pamimighati, iwaksi mo iyan at alalahanin mo ang iyong kinabukasan.
[21]Huwag mong kalilimutan na ang patay ay hindi na makakabalik; hindi na rin siya matutulungan ng iyong pagluha, at sa halip ikaw ay maaari pang mapinsala.
[22]Alalahanin mo na ang nangyari sa kanya'y mangyayari din sa iyo: “Kahapon ay ako, ngayon naman ay ikaw.”
[23]Pagkatapos na ang isang tao'y mamayapa, tigilan mo na ang pag-aalala sa kanya. Huwag ka nang magpakabalisa, matapos malagot ang kanyang hininga.
[24]Ang karunungan ng dalubhasa ay nakabatay sa pagkakataon, kailangang maibsan siya ng mga ibang gawain.
[25]Paano dudunong ang pobreng magsasaka na walang inaatupag kundi ang kanyang trabaho? Akay ang pang-araro sa maghapong singkad, at walang ibig pag-usapan kundi ang kanyang mga hayop.
[26]Ang tanging iniisip niya'y mapatuwid ang mga tudling at pagdating ng hapon ay kumpayan ang mga baka.
[27]Ganito rin ang kapalaran ng dalubhasang mag-uukit na patuloy ang trabaho sa gabi at araw. Nag-uukit siya at gumagawa ng mga pantatak, palaging ang iniisip ay makalikha ng bagong dibuho. Sa buong maghapon ay hinuhugisan niya ito at makatapos lamang, pati sa gabi ay nagtatrabaho.
[28]Ganito rin ang panday na nakaupo sa harap ng palihan, at nag-iisip kung anong gagawin sa isang pirasong bakal. Balat niya'y halos maluto sa lagablab ng apoy, ngunit tuloy pa rin ng pagtatrabaho sa harap ng pugon. Halos siya'y mabingi na sa taginting ng martilyo, at ang mata'y walang alis sa bakal na minamaso, at sa hangad na matapos ang gawaing sinimulan, madilim na'y tuloy pa rin sa kanyang pagpapanday.
[29]Ito rin ang nangyayari sa manggagawa ng palayok, na maghapong nakaupo sa harap ng gawaan; pinaaandar ng kanyang paa ang umiikot na gulong, at ang buong pag-iisip niya'y nasa kanyang ginagawa, kung gaano karami ang kanyang matatapos.
[30]Nilulusak ng kanyang paa ang putik na tinubigan, at ito'y hinuhugisan ng kanyang mga kamay. Maingat niyang pinakikintab ang bawat hinugisan, at naglalamay sa pagbabantay ng apoy sa pugon.
[31]Ang lahat ng mga ito ay mahuhusay ang kamay, bawat isa'y dalubhasa sa kanyang nalalaman.
[32]Kung wala sila'y hindi mabubuhay ang isang lunsod, sapagkat walang maninirahan doon o manunuluyang manlalakbay.
[33]Subalit hindi sila kinakailangan sa kapulungan ng bayan, at hindi rin sila pinahahawak ng matataas na katungkulan. Hindi sila inilalagay na hukom, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa batas. Hindi rin sila nakikilala sa kanilang karunungan o katalinuhan, at di sila marunong kumatha ng mga salawikain.
[34]Subalit sila ang nagpapaginhawa sa buhay natin dito sa daigdig, at sa paggawa nila araw-araw, para na silang nananalangin.