Sa usaping esoterikong karunungan, ang panggagamot sa mga spiritual na sakit ay napakadelikado. Iba't-ibang elemento, maligno, masamang espiritu, engkanto, at mga demonyo ang maaaring makakalaban ng mga manggagamot. Ang kakayahan ng pangggagamot ay ibinigay ng Diyos o ipinagkaloob sa iilan na nagnanais at pinagkakatiwalaan ng Diyos Ama, kaya napakaswerte ng mga taong nakakapagpagaling ng sakit espirituwal o materyal.
Marami ang mga maysakit na walang kakayahang magpagamot sa mga ospital dahil sa mahal ng gastos at marahil dala na rin ng kahirapan. Ang mga manggagamot espirituwal ang nagiging mga bayani sa paningin ng mga nangangailangan. Sila ang pinagkatiwalaan ng Diyos ng mga karunungan upang makatulong sa mga nangangailangan.
Ang malungkot lang, marami sa mga manggagamot ngayon na sa umpisa ay hindi naman nagpapabayad. Ngunit kalaunan ay kinain na rin ng pera, naniningil na ng mahal sa kanilang mga pasyente at imbes na nakakatulong ay naging pabigat pa. Hindi nila naisip na kaya sa kanila lumapit ang mga pasyente dahil wala na silang pera na pangpaospital, ngunit kanila pa itong siningil ng mahal. Nawawalan ng bisa ang kanilang mga oracion sa kalaunan sapagkat inaabuso na nila ang kaloob na kakayahan mula sa Diyos.
Kaya't mga kapatid, hinihikayat ko kayo, kung kayo ay matututo ng esoterikong panggagamot, sana ay huwag ninyo silang gayahin. Manatili kayong mapagkumbaba, huwag maningil sa mga pasyente, at maging mapagmahal sa kapwa. Maging matulungin na walang hinihintay na kapalit. Dahil sa mga aklat na nakukuha ninyo at inyong pinag-aralan, natututo kayo at pinagkalooban kayo ng Diyos ng karunungan. Ngunit ito'y hindi dapat abusuhin. Babawiin ng Diyos ang kapangyarihan sa inyo kung hindi na ito nararapat at ibibigay ito sa iba.
Sa pagtatapos, nawa'y manatiling dalisay at totoo ang layunin ng bawat manggagamot espirituwal. Hindi lamang para sa kanilang sarili, kundi para sa kabutihan ng lahat ng nilalang na nangangailangan ng kanilang tulong. Ang esoterikong karunungan ay isang biyaya, ngunit isang responsibilidad rin na dapat ingatan at gamitin sa tamang paraan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento