Magandang tanghali po sa lahat na aking mga kapatid:
Napakarami na ho kasi akong natatanggap na mga mensahe sa pribadong mensahero natin na nakabili daw po sila ng mga agimat sa iba't ibang pahina at fb group, mga medalya, habak, talandro, panyo, mutya at kung ano-ano pang mga agimat. Sa akin po kasi sila nagtatanong ano daw po ang mga pakain na dasal doon sa mga medalya nilang nabili nila sa quiapo o sa mga antengero, nagtataka kasi ako eh, bumibili sila ng mga medalya hindi nila alam ang dasal nito. Kapag daw nagmemensahe sila sa fb messenger doon sa pinagbilhan nila, hindi na daw sila sinasagot at tela kinuha lang ang pera nila at naiabot ang gamit ay wala na silang pakialamanan.
Nagtatanong ako doon sa mga nagmemensahe sa akin, bakit ka bumili ng agimat na hindi ka man lang binigyan ng dasal ng agimat mo? Kanino mo ba nabili yan? Pinangalanan naman niya yong tao ngunit ayaw ko na i-mention ang name dito dahil baka ho sabihin ng mga negosyanteng mga antengero na naninira ako.
Naaawa ho kasi ako sa mga kapatid natin na naglilimos ng gamit na napakamahal pa naman ngunit hindi alam papaano ito gamitin. Kaya po sa susunod na maglimos kayo ng gamit nila, pwedi ba pakitanong sa kanila saan ba gamit ang agimat, ano ang mga alituntunin, mga pakain na dasal at ano ang mga bawal nito bago kayo magbitaw ng limos. Dahil baka nakapagbitaw na kayo at hindi niyo na mahagilap yong taong pinanggalingan ng gamit ninyo at sa akin na naman kayo magtatanong.
Hindi po ako madamot sa kaalaman, kahit kanino mo pa nakuha yang agimat mo basta alam ko ang sagot sa mga katanongan ninyo ay sasagotin ko kayo basta sa susunod na pagkakataon ay mag-ingat at manigurado. Dahil ang mga antengerong sugapa sa pera ay maingat din yan at MONEY-gurado.
Concern lang ako sa ating mga kapatid na sa akin nagmemensahe ngunit hindi naman sa akin nanggaling ang mga nalilimosan nilang gamit.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa pahinang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento